Pinaalalahanan ngayon ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang lahat ng mga mananampalataya lalo na ang mga kabataan na minamahal sila ni Hesus.
Sa kanyang sermon sa misa para sa Huling Hapunan at Paghuhugas ng Paa sa Manila Cathedral, sinabi ni Cardinal Tagle na kung mistulang wala ng nagmamahal, magtiwala sa pagmamahal ni Hesus hanggang sa katapusan.
Ayon pa kay Cardinal Tagle, sa lahat ng mga may sugat, mga nagdurusa at mga nawawalan na ng pag-asa dahil sa problema, sirang pamilya, masamang bisyo at mga naabuso na titigan at pakinggan si Hesus sa Huling Hapunan.
Damhin daw ang kanyang wagas na pagmamahal at pag-aalay ng sariling buhay para sa ating kaligtasan.
“Titigan si Hesus sa huling hapunan, pakinggan si Hesus sa huling hapunan, pakinggan siyang nagsabi, ito ang aking katawan para sa iyo, pakinggan siya na nagsabi, ito ang aking dugo para sa iyo. Tingnan siya, damhin siya na naghugas ng paa ng kanyang mga alagad,” ani Cardinal Tagle.
Matapos nito ay hinugasan na ni Cardinal Tagle ang mga paa ng 12 kabataang napili gaya ni Nicole Anne Perez, 23-anyos na itinalaga ni Pope Francis bilang kinatawan ng Pilipinas para sa 2018 Synod of Bishops on Young people. Si Perez ay kasalukuyan ding nagttrabaho bilang call center agent.
Ang 22-anyos na si Rafael Villegas naman ay isang economic student sa Universidad de Manila at volunteer sa Parish Responsible Voting of the National Shrine of Saint Michael and the Archangel sa San Miguel, Manila.
Si Luna Mirafuentes 18-anyos ay myembro rin ng Ministry of Greeters and Collectors sa San Fernando de Dilao Parish, Paco, Manila. Sa Mayo naman ay ang kauna-unahang pagboto nito.
May sakit na cerebral palsy naman si Carlito Sapunto na isa rin sa mga kabataang huhugasan ng paa ni Cardinal Tagle.
Si Jeffrey Ranola ay nagtapos sa Universidad De Manila at miyembro ng youth ministry.
Samantala, si Sister Antonisa, 26-anyos, ay isang madre na galing sa Bangladesh at limang taon nang pinagsisilbihan ang mga mahihirap at inabandonang mga bata sa Alay ng Puso sa Delpan, Binondo, Manila.
Halos 10 buwan naman na naninirahan ang Indian na si Joel Obreo 23-anyos sa Maynila at misyonaro sa Ligaya ng Panginoon Community and Christ Youth in Action.
Kasama rin sina Janrey Nevado, 20, nagtapos na summa cum laude mula sa La Salle-College of Saint Benilde sa kursong degree in business administration, major in computer applications, with specialization in business analytic; Jenezis Caliwag, 25, staff ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church; Daisy Jane at Ferdinand John Azogue, parehong 31-anyos at bagong kasal pa lamang; at Jinky Pelopero, 21, college student sa Colegio de San Juan de Letran at aktibong miyembro ng Ministry of Greeters and Collectors ng Manila Cathedral.
Espesyal ang mga kabataan ngayong Semana Santa dahil ipinagdiriwang ngayong ang Year of the Youth sa Simbahang Katolika.