-- Advertisements --

Nakatakdang pumili ng petsa ang mga Cardinal para sa conclave o pagtitipon ng College of Cardinals upang maghalal ng bagong Santo Papa kasunod ng pagpanaw ni Pope Francis.

Kasalukuyang nasa Vatican ang nasa 135 cardinal electors mula sa iba’t ibang bansa simula nang sumakabilang buhay si Santo Papa Francisco noong Abril 21.

Nagsagawa na rin ang mga Cardinal ng general meetings simula nang pumanaw ang Argentinian pontiff para gumawa ng desisyon kaugnay sa libing ng late pontiff noong nakalipas na linggo at iba pang mga usapin.

Bandang alas-9:00 ng umaga, ngayong araw ng Lunes, Abril 28, oras sa Roma, o alas-3:00 ng hapon, oras sa Pilipinas, nagsagawa ang College of Cardinals ng kanilang ikalimang pagpupulong kung saan inaasahang pipili ang mga ito ng petsa para sa conclave.

Base naman sa pagtaya ng mga eksperto, posibleng isagawa ang papal conclave sa Mayo 5 o 6, matapos ang siyam na araw ng pagluluksa sa pagpanaw ni Pope Francis na magtatapos sa Mayo 4.