Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na magtatayo ng isang career progression system para sa mga guro sa pampublikong paaralan mula elementarya hanggang high school upang maging malinaw ang promosyon ng mga ito.
Sa botong 197 pabor na boto, inaprubahan ng Kamara ang House Bill (HB) No. 10270 o ang “Career Progression System for Public School Teachers Act,” ang consolidated version ng HB No. 1580 na akda nina Tingog Reps. Yedda K. Romualdez at Jude Acidre at HB 3554 na inihain ni Batangas Rep. Ralph Recto bago ito naging kalihim ng Department of Finance.
Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagpasa ng panukala na magbibigay linaw sa sistema ng promosyon ng mga guro sa pampublikong paaralan bilang pagkilala sa kanilang kakayanan at mga ginagawa sa kanilang propesyon.
Ayon kay Rep. Yedda Romualdez ang pangunahing layunin ng HB 10270 ay maitaguyod ang propesyunal na paglago at mapaganda ang kapakanan ng mga guro sa pamamagitan ng pagtaas ng kanilang suweldo upang sila ay mas mahusay na makapagturo.
Isa sa pangunahing probisyon ng HB 10270 ay ang pagbibigay ng kapangyarihan sa Department of Budget and Management (DBM) na likhain ang mga posisyong Teacher IV, V, VI, VII, at Master Teacher V at ang angkop na pagtaas sa sahod para sa mga ito.
Ang mga kasalukuyang head teacher ay bibigyan ng opsyon na manatili sa kanilang kasalukuyang posisyon o magpa-reclassify sa katumbas na posisyon.
Ipinagbabawal ng HB 10270 ang demotion ng ranggo o pagbabawas sa sahod, benepisyo, at iba pang prebelihiyo ng mga kasalukuyang empleyado na maaapektuhan sa gagawing pagbabago.
Ang mga guro ay dapat na ma-promote base sa itinakdang merito at kanilang kakayanan batay sa isasagawang Comprehensive Performance Assessment. Ang natural vacancy, quota, ratio-and-proportion na paraan ng promosyon ay hindi na rin ikokonsidera.
Kung makatatanggap ng dalawang magkasunod na grade na ineffective ang isang guro kailangan itong sumailalim sa remedial program.
Ang kakailanganing pondo ay isasama ng DBM sa taunang budget ng gobyerno, ayon sa panukala.