KORONADAL CITY – May sinusundan nang person of interest ang mga otoridad sa nangyaring pagpatay sa isang biktima sa bayan ng Surallah, South Cotabato.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Major Marifel Maganto, hepe ng Surallah PNP, kinilala ang biktimang si Joey Leuterio, 32, single at caretaker ng Templonuevo Quarrying Site sa Sitio San Vicente, Brgy Centrala sa naturang bayan at residente ng Leyte.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, naliligo na sa sarili nitong dugo ang biktima nang maabutan ng mga kapulisan kung saan nasa ulo pa nito ang palakol na ginamit ng suspek.
Ayon kay Maganto, kinandado pa umano ng suspek ang naturang bunkhouse matapos ang ginawang krimen.
Posible aniyang natutulog lang ang biktima nang ginawa ang krimen dahil walang ebidensiya na nanlaban ito o nagtangkang lumabas sa naturang bunkhouse.
Isa naman sa mga tinitingnang motibo sa krimen ay ang hindi pagkakaunawan ng biktima at suspek na sinasabing kasama rin nito sa naturang quarry site.
Sa ngayon ay nakatakdang magsagawa ng hot pursuit operation ang Surallah PNP laban sa suspek matapos itong tumakas.