-- Advertisements --

CEBU CITY – Kinumpirma ng mga awtoridad na hindi bababa sa isang tripulante ang namatay, habang tatlo pa ang nasugatan, nang masunog ang kanilang container ship habang naglalayag sa bahagi ng Talisay City, Cebu nitong nakalipas na Easter Sunday, April 17.

Kinumpirma ng mga kinatawan ng Bantay Dagat na nakuha nila ang bangkay ng isang tripulante ng MV General Romulo.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng biktima.

Kinumpirma naman ng Philippine Coast Guard sa Central Visayas (PCG-7) na tatlo sa mga tripulante ng sinapit na barko ang nagtamo rin ng mga pinsala.

Agad silang dinala sa Cebu South Hospital kung saan naka-confine ngayon para sa karagdagang paggamot.

Ang barko ay may kabuuang 20 tripulante, kung saan 16 ang matagumpay na nailigtas.

Sa inisyal na ulat mula sa PCG-7, makikitang nagpadala na nag distress signal ang mga tripulante ng barko bandang 9:50 ng umaga habang naglalayag patungo sa daungan ng Cebu City.

Noong panahong iyon, ang barko, na pagmamay-ari at pinamamahalaan ng Lorenzo Shipping Corp., ay nasa baybayin ng Barangay Pooc, Talisay City.

Dala ng barko ang 2,218 tonelada ng iba’t ibang kargamento mula sa Metro Manila.

Hindi bababa sa limang sasakyang-dagat ang rumesponde sa insidente at patuloy na inaapula ang apoy.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng nasabing sunog.