Nanawagan ang Vice President ng Caritas Philippines na si Bishop Gerardo Alminaza sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na magtulungan ito sa pagbibigay ng seguridad at katarungang panlipunan sa Negros Island.
Ito ay kasabay ng pagsuporta ng obispo sa isinasagawang 24-hour fasting protest ng mga political prisoners sa Negros Island upang ipanawagan sa Commission on Human Rights na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa mga kaso ng human rights violations sa lalawigan.
Ayon sa obispo, personal niyang nakausap ang mga opisyal ng Commission on Human Rights sa Negros Occidental at nagsasagawa naman daw ang mga ito ng imbestigasyon ngunit ibinunyag din nito na hindi raw makausad ang komisyon dahil hindi umano ibinabahagi ng mga pulis at militar ang mga datos at iba pang mahahalagang impormasyon.
Dahil dito, umaapela ang obispo sa mga pulis gayundin sa Commission on Human Rights at iba pang ahensiya ng gobyerno na magtulong-tulong para naman matugunan ang demands of justice at upang maimbestigahan at malaman umano kung mayroon talagang paglabag sa karapatang pantao.
Ayon sa monitoring ng Negros Occidental Chapter ng Kapisanan para sa Pagpapalaya ng mga Detinidong Pulitikal ng Pilipinas o grupong KAPATID, umabot na sa 128 ang bilang ng political prisoners sa Negros island mula Hulyo 2022. Ito raw ay resulta ng counter-insurgency drive ng administrasyong Marcos.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang pagpapatunog ng kampana sa mga simbahan at parokyang sakop ng Diocese of San Carlos sa Negros Occidental tuwing alas-otso ng gabi bilang panawagan na itigil na ang karahasan sa lalawigan.