Hangad ni Tokyo Olympic silver medalist Carlo Paalam na maabot ang 100% na kahandaan sa pagpasok niya sa nalalapit na Paris Olympics.
Sa kasalukuyan ay walang problema aniya ang kanyang footwork, bilis, at liksi sa ring ngunit iniinda lamang ang nararamdamang sakit sa kanyang balikat.
Ayon kay Paalam, patuloy itong nagiging malaking hamon sa kanya, lalo na at may ilang mga movement kung saan nagiging hamon ang masakit na balikat.
Aminado rin ang boksingero na ito ang isa sa mga naging hamon sa kanya habang nakikipaglaban para sa World Boxing Olympic Qualification Tournament,
Gayonpaman, tuloy-tuloy pa rin ang kanyang pag-eensayo at sa pamamagitan aniya ng tulong ng kanyang team ay hangad nilang maabot ang isandaang porsyentong kahandaan sa nalalapit na Olympics.
Nauna na ring sinabi ni Paalam na nakapag-adjust na siya sa kanyang kasalukuyang dibisyon mula sa dating 51-kg class patungo sa 57-kg division.