Bumuhos ang pagbati ngayon sa Pinoy boxer na si Carlo Paalam matapos ang laban nito at masungkit ang silver medal sa men’s flyweight competitions sa Tokyo Olympics.
Una rito, matapang pa ring naghabol ang Cagayan de Oro native kahit nalasap niya ang knockdown sa first round nang tamaan siya ng kumbinasyon sa ulo ng pambato ng Great Britain na si Galal Yafai.
Sa sumunod na two rounds ay nagpakita pa ng tibay si Carlo, 23, at nakatayo pa rin ito para makipagsabayan nang toe-to-toe kay Yafai na ang dalawang kapatid ay kapwa rin mga kampeon.
Ang second round ay nakuha muli ng Briton at pagsapit ng third round naghabol na ng husto si Paalam para makapuntos pero huli na ang lahat kahit pinaburan pa siya ng limang mga boxing judges.
Idineklara ng mga hurado na winner by points si Yafai sa pamamagitan ng 4-1.
Ang naturang laban ay inabangan ng maraming kababayan dahil sa pangarap na sana ay isa pang gold medal ang mapanalunan upang sundan ang nagawa ni Hidilyn Diaz na binasag ang record sa halos 100 taon na hindi nakatikim ng medalyang ginto ang bansa sa Olimpiyada.
Nagtapos sa kampanya sa Tokyo Olympics ang Pilipinas na may isang gold medal, dalawang silvers at isang bronze medal.
Ito na ang itinuturing na “biggest medal haul” ng Pilipinas sa kasaysayan nang paglahok nito sa Olimpiyada.
Kung maalala ang Pinay boxer na si Nesthy Petecio ay nagwagi rin ng silver medal sa featherweight, habang si Eumir Marcial ay umabot naman sa bronze medal sa men’s middleweight.
Noong taong 1932 sa Los Angeles Olympics o 89 na taon na ang nakalipas nang makatipon ng tatlong medals ang bansa sa pamamagitan ng mga atletang sina Teofilo Yldefonso sa swimming na may bronze, Simeon Toribio ng athletics sa high jump at si Jose Villanueva sa boxing na meron ding mga bronze medal.
Samantala, ang nakalaban ni Paalam na si Yafai, 28, ay bigatin din at veteran boxer dahil noong 2020 kinilala ito bilang Best Male Boxer sa GB Boxing annual awards ceremony.
Nakuha rin niya ang award sa Bout of the Year sa kanyang laban noon kay Rasul Aliev ng Russian Federation na siyang naging tiket niya patungong 2020 Olympic Games sa Tokyo.
Humakot din siya ng award para sa Bout of the Year at GB Boxing’s annual awards ceremony noong taong 2018 at 2019.