-- Advertisements --

Umusad na sa quarterfinals ng 2020 Asia and Oceania Boxing Olympic Qualification tournament ang Pinoy boxer na si Carlo Paalam matapos ang dominante nitong panalo kontra kay Ramish Rahmani ng Afghanistan nitong Sabado.

Naglista ng 5-0 win ang Pinoy flyweight laban kay Rahmani sa kanilang Round of 16 match sa Prince Hamzah Sport Hall sa Amman, Jordan.

Bunsod nito, umabanse na sa susunod na round si Paalam, at lumaki rin ang tsansa na makakuha ng ticket sa Tokyo Olympics.

Sunod na makakatunggali ni Paalam ang top seed na si Amit Panghal ng India.

Si Paalam ang ikalimang Pinoy na nakapasok sa quarterfinals, sunod kina world champion Nesthy Petecio, Eumir Marcial, Riza Pasuit at Ian Clark Bautista.

Samantala, minalas naman si James Palicte sa kalaban nitong si Elnur Abduraimov ng Uzbekistan, 5-0, sa Round of 16 sa lightweight division.