Hindi na kailangan pang magbayad ng tax si Paris Olympics gold medalist Carlos Yulo sa mga natanggap na premyo at donasyon.
Paliwanag ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo D. Lumagui Jr., exempted si Yulo mula sa tax ng mga natanggap niyang premyo at gantimpala batay sa nilalaman ng National Internal Revenue Code (NIRC).
Sa ilalim ng tax code ng Pilipinas aniya, hindi na papatawan ng buwis ang lahat ng premyo at gantimpala ng mga Pilipinong atleta na nanalo sa anumang local at international spots.
Paliwanag pa ng tax chief, ang halaga ng mga ari-arian na nakuha o natamo sa pamamagitan ng regalo ay hindi na kailangan pang isama sa kabuuang kita ng tumanggap nito(Yulo), kayat hindi na kailangan pang patawan ng buwis.
Pinayuhan naman ng tax chief ang Pinoy gymnast na karapatan niyang hindi ideklara ang mga natanggap na regalo tulad ng mga sasakyan, at bahay bilang bahagi ng kanyang kabuuang kita.
Hindi aniya siya obligado na magbayad ng buwis sa kita para sa mga ito.