Opisyal nang ipinagbawal ng mga alkalde sa Metro Manila ang pagsasagawa ng tradisyunal na Christmas caroling ngayong holiday season upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, chairman ng Metro Manila Council, naglabas na sila ng executive order na walang pahihintulutang physical caroling sa Kalakhang Maynila sa darating na Kapaskuhan.
Nagkasundo rin ang konseho na suspindihin ang mga Christmas party sa mga tanggapan ng gobyerno.
Kasabay nito, dini-discourage rin ang pribadong sektor na magdaos ng nakagisnang okasyon, lalo pa’t 10 katao lamang ang pinapayagang magtipon-tipon sa mga lugar na nasa general community quarantine (GCQ).
Sinabi pa ni Olivarez na bubuo sila ng mga task force na tututok sa no-caroling policy sa Kamaynilaan.
Maliban dito, kakausapin din nila ang mga opisyal ng barangay na bantayan ang sinumang magtatangkang mangangaroling sa kani-kanilang mga lugar.