Kinontra ng Supreme Court (SC) en banc ang naging pahayag ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno na siya ay naka-wellness leave lamang.
Sa press conference ni SC Spokesman Theodore Te, binasa nito ang joint statement ng 13 justices na nakapirma habang ang tanging wala ay si Justice Alfredo Caguioa na “on leave.”
Giit ng en banc, naka-indefinite leave si Sereno at hindi dalawang linggo lamang.
Una nang lumutang ang ilang impormasyon na noong Martes sa full court session ng SC ay nangako umano si Sereno sa mga kasamahan na maghahain siya ng indefinite leave para paghandaan ang pag-usad sa Senado ng impeachment complaint.
Pero ikinaasar daw ito ng mga kapwa mahistrado dahil sa lumabas na dokumento na inihain ni Sereno kung saan binago lang nito ang naunang petsa ng kanyang wellness leave.
Nakapaloob na sa sulat sa SC deputy clerk of court na ang leave ni Sereno ay mula Marso 1 hanggang Marso 15.
“The Court En Banc regrets the confusion that the announcements and media releases of the spokersperson of the Chief Justice have caused, which seriously damaged the integrity of the Judiciary in general and the Supreme Court in particular,” bahagi pa ng statement na binasa ni Atty. Te.
Bilang patunay daw sa pagkambyo ni Sereno sa kanyang naunang posisyon, kinonsulta pa niya sa pribadong pag-uusap ang dalawang senior justices na sina Associate Justice Antonio Carpio at Associate Justice Presbitero Velasco sa kanyang balakin na indefinite leave.
Lalagyan na lamang daw ni Sereno ng amyenda ang leave na magsisimula ngayong Marso 1.
Nakalagay din sa joint statement na hindi naman nag-request nang pagbabago ng schedule sa kanyang wellness leave ang punong mahistrado.
“After consulting with the two most senior justices, the Chief Justice herself announced that she was taking an indefinite leave, with the amendment that she start the leave on Thursday, March 1, 2018.”
Sa kabila naman na pressure ng mga kapwa justices na magbitiw sa puwesto, nanindigan si Sereno na hindi ito magre-resign.
Ito ang sinabi ni Sereno sa pagdalo sa pagtitipon ng Regional Trial Court Clerks of Court Association of the Philippines sa Lungsod ng Maynila.
Nanawagan din ito ng dasal at suporta sa kinakaharap nitong impeachment complaint na nakatakdang pagbotohan sa Kamara kung iaakyat na ito sa Senado.
Samantala, habang naka-indefinite leave si Sereno, pansamantala munang uupo bilang acting chief justice si Carpio.