-- Advertisements --

KALIBO, Aklan— Tiniyak ng Department of Tourism (DOT) na hindi malalabag ang itinakdang carrying capacity sa isla ng Boracay ngayong panahon ng Semana Santa.

Inaasahan na mahigit sa 58,000 mga turista ang bibisita sa tanyag na isla lalo na sa Huwebes Santo hanggang Linggo ng Pagkabuhay.

Ayon kay Tourism Undersecretary Arturo Boncato, Jr., ang bilang umano ng mga turistang pumapasok ay katulad din naman ng mga lumalabas kaya hindi nito malalabag ang 19,215 na carrying capacity bawat araw kabilang na ang 6,405 tourist arrivals.

Aniya, upang matiyak na hindi malabag ang naturang bilang, nagbawas ang mga airline company ng “air seats” papunta sa Boracay.

Una rito, nakipagpulong si Tourism Secretary Berna Romulo-Puyat sa Civil Aeronautics Board at sa kanilang mga airline partners kung saan, hiniling nito na intindihin na lamang ang nagpapatuloy na rehabilitation effort sa isla.

Samantala, patuloy naman ang monitoring ng Boracay Inter-agecy Management Group (BIAMG) sa mga hotels reservation sa isla.

Nabatid na nasa 326 establishments na may kabuuang 11,943 rooms pa lamang ang pinayagan ng Inter-agency na maaaring tumanggap ng mga bisita at bakasyunista sa Boracay.