KALIBO, Aklan— Plano ngayon ng Aklan provincial government, lokal na gobyerno ng Malay at maging ng mga stakeholders na isulong sa national government na madagdagan ang carrying capacity ng tourist arrival sa isla ng Boracay.
Inihayag sa Bombo Radyo ni Caticlan jetty port administrator Esel Flores na kasunod ito sa patuloy na pag-promote sa isla ng Department of Tourism at maging si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. aniya ay minamarket rin ang Boracay.
Hindi aniya bumababa sa 4,000 ang tourist arrival sa tanyag na isla bawat araw na kinabibilangan ng lokal at dayuhang bisita.
Balak nila madagdagan ang 6,405 carrying capacity na tourist arrival bawat araw lalo na’t nalalapit ang summer season.
Sa katunayan aniya ay noong February 15 hay umabot sa 5,500 ang tourist arrival sa loob ng isang araw.
Senyales umano ito na unti-unting nabubuhay ang industriya ng turismo sa isla ng Boracay.
Matandaang dumaong ang MV Seabourne Encore sa Boracay dala ang nasa 371 European tourist na kauna-unahang cruise ship na bumisita sa isla matapos ang halos tatlong taong pandemya.