-- Advertisements --
cascolan
PNP chief Lt. Gen. Camilo Cascolan

Ipinag-utos na ni PNP chief Lt. Gen. Camilo Cascolan ang imbestigasyon kaugnay sa pagkamatay ng kontrobersiyal na dating councilor na si Ardot Parojinog sa loob ng kulungan doon sa Ozamiz City.

Una rito, natagpuan na lamang na walang buhay sa kanyang kulungan sa Ozamiz police station si Parojinog.

Kahapon lamang daw ito dumating sa Ozamiz mula rin sa pagkakakulong sa NCRPO headquarters sa Taguig City.

Si Ardot ay kapatid ng napatay na si dating Ozamiz City Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog Sr. na nakatakas noong isinagawa ni dating Ozamiz City police station commander Lt. Col. Jovie Espenido ang madugong anti-drugs operation noong Hulyo 30, 2017.

Magugunitang nahaharap sa patung-patong na kasong kriminal si Ardot bago ito naaresto habang nagtatago sa bansang Taiwan noong Mayo 2019 dahil sa nangyari kay Aldong.

Napag-alaman na ang mga Parojinog ay unang binansagan na nasa likod daw ng Kuratong Baleleng gang kung saan utak umano ng high profile criminal cases tulad ng bank robberies, illegal drug trade at gun for hire activities sa iba’t ibang bahagi ng bansa.