Umaasa ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na bago bumaba sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte ay matatapos na ang kanilang case build-up sa mahigit 12,000 pangalan na nasa kanilang listahan ng high-value targets kaugnay sa illegal drugs.
Ayon kay PDEA Director-General Aaron Aquino, karaniwan daw kasing inaabot ng mahigit isang taon ang case build-up lalo pa’t napakaraming mga personalidad ang nasa kanilang talaan.
Maliban sa mga pulitiko, opisyal ng gobyerno, pulis, at iba pang mga alagad ng batas, mayroon din aniyang mga miyembro ng media ang sangkot sa kalakaran ng iligal na droga.
Paliwanag ni Aquino, hindi lamang gumagamit ang mga ito ng ipinagbabawal na gamot kundi nagiging protektor din aniya ang mga ito ng mga big-time drug lords.
Pero tumanggi ang opisyal na pangalanan ang mga ito dahil sa nagpapatuloy pa ang kanilang malawakang imbestigasyon.
Gayunman, inihayag ni Aquino na karamihan daw sa mga media personality na nasa listahan ay nasa radyo at print, sa provincial at regional level.
Sa panig naman ng pulisya, sinabi ni PNP spokesperson BGen. Bernard Banac na hindi pa nila makukumpirma ang nasabing ulat dahil sa wala pa silang natatanggap na impormasyon hinggil dito.
“Sa ngayon, wala pa ring mga validated na mga report,” wika ni Banac. “Ang lahat ay nanatili lamang na mga raw information. So, katuwang naman natin ang PDEA sa pag-validate ng mga information na iyan.”