Aminado ang Philippine National Police (PNP) na hindi pa nila makakasuhan ang mga police officials na isinasangkot ni Pangulong Rodrigo Duterte sa illegal drug trade.
Ayon kay PNP Spokesperson PCSupt. Benigno Durana Jr., ito ay dahil sa intelligence information pa lamang ang hawak ng PNP sa kasalukuyan.
Paglalahad pa ni Durana, ang tanging direktiba ni PNP chief Oscar Albayalde ay ilipat ang mga sangkot na police officers sa iba’t ibang rehiyon.
Ang agarang pagsibak sa puwesto sa mga police officers na sangkot sa illegal drugs ay preemptive measure lamang umano ng PNP chief para sa gagawing validation at masinsinang imbestigasyon.
Sinabi ni Durana na sa ngayon ay ongoing na ang case build-up laban sa mga sangkot na active police officers.
Sa anim na opisyal na isinasangkot ng Pangulo, si S/Supt. Eduardo Acierto ay nauna nang nadismiss dahil sa pagkakasangkot nito sa bentahan ng AK 47.
Habang ang iba pa nasa matrix ay sina S/Supt. Leonardo Suan; P/Insp. Conrado Caragdag; S/Insp. Lito Pirote; P/Supt. Lorenzo Bacia at SPO4 Alejandro Liwanag, pawang aktibo pa rin sa serbisyo.
Aminado ang opisyal na may input ang PNP sa inilbas na “matrix” ng Pangulo subalit ang kabuuan ng intelligence report ay mula sa Malacanang.
Tiniyak naman ni Durana na dadaan sa due process ang pag-imbestiga sa mga nabanggit na police officials.
Samantala, hindi makakaapekto sa morale ng mga kapulisan ang panibagong isyu na kinasasangkutan ng ilan sa kanilang mga opisyal.
Ayon kay Durana mas magsisilbi pa itong morale booster dahil hindi kino condone ng PNP ang mga maling gawain ng kanilang mga tauhan.