-- Advertisements --

Kinumpirma ni PNP chief Oscar Albayalde na nakapagsumite na ang PNP ng dokumento o mga case folder ng mga napatay sa war on drugs na hinihingi ng Korte Suprema.

Ayon kay Albayalde, sa mahigit 4,000 na mga kaso ng pagpatay sa kanilang kampanya kontra droga, higit kalahati na ng mga dokumento ang kanilang naisumite sa Supreme Court.

Aniya, may mga kulang pa kaya’t humingi ang PNP ng extension para kanilang ma-comply ang mga kulang na dokumento.

Siniguro naman nito na kapag mapatunayang may iregularidad na ginagawa ang mga pulis, sasampahan nila ito ng kaukulang kaso.

Hindi naman masabi ni Albayalde ang statistics kung ilan sa mahigit 4,000 na napatay sa anti-drug operations ng PNP ang kinasuhan na.

Pero batay sa feedback ng PNP Internal Affairs Service (IAS) mayroon na umanong mga kinasuhan.

Kabilang dito ang tatlong pulis Pasay na pinatay ang mag-ama at ang mga kontrobersiyal na kaso sa Caloocan kung saan buong miyembro ng police office ng lugar ang ni-relieve sa puwesto ni Albayalde noong ito pa ang hepe ng NCRPO.