Doble kayod na raw ang Department of Education (DepEd) para maibigay ang tulong pinansyal para sa mga guro sa maliliit na mga pribadong paaralan sa bansa.
Sinabi ni DepEd Sec. Leonor Briones, kanya na raw kinonsulta si acting Socioeconomic Planning Sec. Karl Kendrick Chua kaugnay sa pagbibigay ng financial assistance para sa mga private school teachers.
Inirekomenda umano ni Chua na dapat ay i-avail ng mga private school teacher ang programa ng gobyerno na nagbibigay ng cash aid sa mga manggagawa sa maliliit na mga negosyo.
“It was suggested that we can seek assistance through helping employees of small businesses,” wika ni Briones sa isang virtual press briefing.
“Ang sabi [ni Chua], we do it the same way for other small businesses, because we are referring to small schools,” dagdag nito.
Hihingin din aniya nila sa mga private schools organization ang listahan ng mga gurong maaaring makwalipika para sa assistance.
“Ang focus dito are teachers of small schools who cannot be paid,” anang kalihim.
“[Iyong] hanggang 10 months lang sila, so kapag walang klase, walang suweldo. Iyon ang gusto naming i-submit at bigyan ng assistance.”
Una nang sinabi ng isang grupo ng mga administrator na nasa kalahating milyong mga private school employees ang apektado ng coronavirus crisis.