-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) na agad nilang ipapamahagi ang cash assistance sa mga manggagawang apektado ng COVID-19 pandemic.

Ito’y matapos matanggap na ng DOLE ang P13 billion na nakapaloob sa Bayanihan 2 para sa pagpapatupad ng COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP), Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) at Abot Kamay ang Pagtulong (AKAP) programs.

Sinabi ni DOLE Undersecretary Joji Aragon, P6 billion ay mapupunta sa TUPAD o ang cash for work program na pakikinabangan ng 863,867 manggagawa.

Ayon kay Usec. Aragon, kabilang dito ang mga karinderya, mga nagtutulak ng mga kariton, nagtitinda ng taho at lahat ng mga kababayan sa buong bansa.

Sa ilalim naman ng CAMP, gagastos ang gobyerno ng P5 billion bilang financial assistance sa nasa 993,432 workers na nagtatrabaho sa mga private establishments at hindi na nakapasok dahil sa public health crisis.

Ang nalalabing P2 billion ay ipapamahagi naman sa 200,000 displaced overseas Filipino workers (OFWS) sa ilalim ng AKAP program.

Inihayag ng Department of Budget and Management (DBM) na nakapag-release na sila ng P77.98 billion sa iba’t ibang government agencies at departments para sa kanilang mga COVID-19 related response programs.