Target ng Department of Labor and Employment (DOLE) na maipamahagi na ang cash assistance sa mga manggagawang apektado ng COVID-19 pandemic bago mag-Pasko.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DOLE Labor Relations, Social Protection and Policy Support Cluster Undersecretary Benjo Santos Benavidez na higit sa 93 percent ng P16 million na pondo na inilaan para sa mga apektadong manggagawa sa ilalim ng Bayanihan 2 ang nai-download na sa iba’t ibang DOLE regional at overseas offices.
Ayon pa kay Usec. Benavidez, kabilin-bilinan sa kanila ni Labor Sec. Silvestre Bello III na huwag nang patagalin ang pondo sa ahensya at agad na ipamigay sa mga kwalipikadong benepisyaryo ang tulong pinansyal para maging masaya ang Pasko ng mga ordinaryong manggagawa.
Kabilang sa mga programa ng DOLE ay ang COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) para sa mga displaced formal workers, Abot Kamay Ang Pagtulong Program (AKAP) para sa mga nawalan ng hanapbuhay na mga OFWs at ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program para naman sa mga naapektuhang informal workers.