-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Abot sa 450 indibidwal mula sa iba’t-ibang barangay sa Kidapawan City ang nakinabang sa Cash for Work ng Dept of Social Welfare and Development Office o DSWDO.

Sa ginawang payout sa Kidapawan City Mega Tent kahapon ay tumanggap ng tig P2,520 ang naturang bilang ng mga indibidwal bilang kabayaran sa 10 araw na pagtratrabaho sa ilalim ng Cash for Work na bahagi naman ng Risk Resiliency Program ng DSWD.

Ayon kay Claire S. Quilicot, Assistant Focal Person ng Cash for Work sa Kidapawan City, layon ng programa na matulungan ang mga mamamayan na matinding naapektuhan ng COVID-19 pandemic sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng gawain sa loob ng 10 araw o higit pa kung saan makatatanggap sila ng kaukulang bayad mula sa DSWD.

Lahat ng mga benepisyaryo ng naturang programa ay na-validate naman ng City Social Welfare and Development Office o CSWDO bilang mga indigents o nabibilang sa mga mahihirap na pamilya.

Maliban sa cash, namahagi din ang DWSD ng mga quality bamboo shoots partikular na sa mga benepisyaryo mula sa Barangay Ilomavis kung saan angkop ang naturang tanim.

Natutuwa naman si Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista sa tulong na natanggap ng mga benepisyaryo dahil malaking tulong ito sa mga mahihirap na pamilya.

Pinasalamatan din niya ang mga mamamayan sa maayos na pagtugon sa programa ng DSWD at iba pang inisyatiba ng City Government upang mapaangat ang antas ng pamumuhay ng mga Kidapawenyo.