-- Advertisements --


DAGUPAN CITY – Makakatanggap ng cash incentive o reward ang mga atleta mula sa lungsod ng Dagupan na nakakuha ng gintong medalya sa Palarong Pambansa 2019 na kasalukuyang isinasagawa sa Davao City.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Finnela Sim ang Vice Chairman ng Dagupan City Sports Commission sinabi nito na nakakuha ng kabuuang siyam na bilang ng gintong medalya ang nakuha ng mga atleta mula sa Region 1 at lahat umano ng mga ito ay galing sa Dagupan.

Aniya, kabilang sa nakapag bulsa ng karangalan ay ang mga atleta na nasa larangan ng gymnastics, archery at swimming.

Nasungkit ng sampong taong gulang na si Mark Tyron Reyes ang apat na gold medal at isang silver sa larong gymnast habang isang gintong medalya din ang naigawad sa ka-team nitong si Marvin Villoria na estudyante naman ng Victoria Zarate Elementary School sa may Arellano St. Pantal District.

Apat na gold medal naman ang iuuwi ni Jayson Feleciano matapos nitong mapagtagumpayan at mabasag ang record na 70 meter round sa larong Archery.

Isang gold, dalawang silver at isang bronze medal naman ang nasungkit ni Janel Lim sa swimming category.

Inihayag naman ni Sim na posibleng makapasok sa Top 10 ang Region 1 lalo na’t marami umano itong nasungkit na gintong medalya.

Samantala, inaalam pa sa ngayon kung magkano ang reward na ibibigay ng Dagupan City government sa mga nabanggit na atleta na mag-uuwi ng mga gold medals.