Iniulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang pagtaas ng cash remittance ng mga Pilipino ng hanggang sa 2.8% mula Enero hanggang nitong buwan ng Abril.
Ayon sa BSP, umabot sa $10.782 billion ang naitala nitong remittance noong Abril, habang umabot lamang sa $2.485 billion ang naitala noong Abril ng nakalipas na taon.
Namonitor ng ahensiya ang pagtaas sa income transfers ng kapwa mga land-based at sea-based OFW.
Para sa mga land-based overseas Filipinos, umabot sa $8.53 billion ang naitala nilang remittance habang umabot lamang sa $8.27 ang naitala nila noong 2023. Ito ay mas mataas ng 3.2%.
Habang ang mga sea-based workers ay nagawang makapag-transfer ng $2.25 billion, mas mataas ng 1.5% kumpara sa $2.22 billion noong nakalipas na taon
Samantala, nakitaan din ng pagtaas sa ‘personal remittance’ ng mga overseas Filipinos sa kaparehong period kung saan umabot ito sa $12.010 billion. Ito ay mas mataas ng 2.8% kumpara sa $11.677 billion noong nakalipas na taon.
Ayon pa sa BSP, ang mga remittance na nagmula sa Saudi Arabia at Singapore ay may pinakamalaking kontribusyon sa naitalang pagtaas ng remittance.
Sa kabuuan ng 2024, inaasahan ng BSP na tataas ang kabuuang cash remittance ng mga OFWs ng hanggang 3% kumpara sa cash remittance noong nakalipas na taon.