-- Advertisements --

Inanunsiyo ng Toll Regulatory Board (TRB) na ibabalik na ang cashless at contactless toll collection simula sa Marso 15.

Ayon sa TRB, ang mga gumagamit ng toll expressway ay dapat na may valid Electronic Toll Collection (ETC) device o Radio Frequency Identification (RFID) sticker na naka-install sa kanilang mga sasakyan.

Habang ang mga sasakyang walang RFID stickers ay papayagang makapasok sa toll plazas kung saan ilalagay ang naturang device.

Ipinaalala naman ng TRB na bagamat papayagan na makadaan sa toll plazas, ang mga motor vehicles na walang valid RFIDs ay iisyuhan ng Temporary Operator’s Permit o Show Cause Order para sa paglabag sa No valid Electronic Toll Collection Device, No Entry Policy.

Ipinaliwanag naman ng TRB na ang naturang polisiya ay layunin na mapabilis ang pagbabayad ng toll fee dahil kadalasan aniyang congested o siksikan at mahaba ang pila sa mga lane na ginagamit ng mga nagbabayad na motorista at nakakasagabal sa mabilis at episyenteng daloy ng trapiko patungo sa mga itinalagang lane para sa Electronic Toll Collection.

Matatandaan na sinuspendi ang naturang cashless policy noong Setyembre ng nakalipas na taon dahil sa technical issues at para mabigyan ng panahon ang publiko na masanay sa paggamit ng contactless payments.