Napanatili ni WBO bantamweight champion John Riel Casimero (31-4, 21KOs) ang kanyang korona kontra kay WBA “regular” titleholder Guillermo Rigondeaux (20-2, 13KOs) sa ginanap na laban sa Dignity Health Sports Park sa Carson, California.
Idineklara ng mga judges ang split decision pabor kay Casimero.
Ang score ng isang judge ay 115-113 para kay Rigo, habang 116-112 at 117-111 naman ang ibinigay ng dalawa pang judges para sa Pinoy.
Sa halos 12 rounds ay walang ginawa ang 40-anyos na Cuban boxer kundi tumakbo at umiwas sa 32-anyos na Pinoy champion.
Una nang nangako si Casimero na tatapusin niya ang laban sa loob ng tatlong rounds.
Pero halatang matindi ang “frustrations” ni Casimero dahil todo iwas ang ginawa ni Rigo na ikinainis ng husto ng mga nanood sa arena.
Dahil dito pawang “booo” ang inabot ni Rigondeaux.
Sa isang bahagi ng 7th round sa labis na pagkadismaya ni Casimero ay tumayo na ito sa gitna ng lona upang hamunin si Rigondeau na harapin sya.
Samantala, batay naman sa CompuBox score nabilang ang 47 punches ni Casimero na tumama, kumpara kay Rigo na 44.
Ang three division world champion na si “Quadro Alas” ay nasa ilalim ng MP Promotions ni Sen. Manny Pacquiao.
“My expectations were for a knockout,” ani Casimero matapos ang laban. “I did my best to knock him out but he was just running and not fighting.”
Ang two-time world champion naman na si Rigondeaux na dalawang beses ding nag-gold medal sa Olympics ay lumasap ng ikalawang talo sa kamay ng Pinoy champion na mula sa Ormoc City.
“Nobody wants to fight with me because I frustrate them in the ring. I landed the punches that I needed to in order to win the fight tonight. This is how I win,” giit naman ni Rigondeaux sa kanyang istilo. ““I have these God-given skills and this is the way I display them. I’m a unique fighter. It’s my style and it’s the only one I know.”
Kung maalala ang unang talo ni Rigondeaux ay noong taong 2017 nang sumurender siya sa dati ring kampeon sa amateur boxing na si Vasiliy Lomachenko.
Para naman kay Casimero ito na ang kanyang matagumpay na second defense ng WBO crown na kanyang nasungkit nang ma-knockout niya ang kampeon na si Zolani Tete noong 2019.
Sunod daw niyang balak labanan ay ang kababayang kampeon din na si Nonito “The Filipino Flash” Donaire na una nang umatras sa kanilang kasunduan.
“I had a three-fight plan. First was Rigondeaux, and I beat him. Next is Nonito Donaire and then finally Naoya Inoue,” pagmamalaki pa ni Casimero.