Kumpiyansa ang dating world champion John Riel Casimero na makaharap muli si Japanese undisputed world champion Naoya Inoue.
Sa kanyang post sa social media, matapang nitong sinabi kay eight-division world champion Manny Pacquiao na iharap sa kanya si Inoue dahil ito lamang ang makadudungis sa rekord ng Japanese fighter.
‘Boss Manny Pacquiao itapat mo na yan sa akin yung Monster, wala naman ibang katapat yan kundi ako lang,’ ani Casimero sa kanyang post.
Ang pahayag na ito ni Casimero ay matapos ikumpara ni Top Rank Promotions chief Bob Arum ang Peoples champ at Japanese fighter na mas legendary umano ang career ni Inoue kumpara kay Pacquiao.
Kaya agad naman na bumanat si Casimero upang sagutin ang sinabi ni Arum.
‘Para matapos na yang agawan n’yo sa legacy, tulungan mo nga ako para magtuos na kami para tapos na ang isturya n’yo,’ saad ni Casimero.
Matatandaan na sa isang panayam, sinabi ni Arum na mataas ang respeto nito kay Pacquiao dahil sa mga tagumpay na nakamit nito sa kanyang boxing career. Gayunpaman, bumanat pa ang American promoter na mas makulay ang boxing career ni Inoue bagay na nagpataas sa kilay ng ilang boxing analysts at fans.
Tinukoy ni Arum ang malinis na rekord ni Inoue na undefeated mula sa 29 laban nito.
Samantala kasalukuyang hawak ni Inoue ang titolo sa World Boxing Association (WBA), World Boxing Council (WBC), International Boxing Federation (IBF) at World Boxing Organization (WBO) sa super bantamweight class.