Sinabi ni Atty Ferdinand Topacio, na mas pipiliin na lamang daw ng kanyang kliyente na si Cassandra Li Ong, ang awtorisadong kinatawan ng ni-raid na POGO hub sa Porac, Pampanga, na makulong kaysa magpunta sa ikinakasang imbestigasyon ng Senado hinggil sa pagtakas ni dismissed Bamban mayor Alice Guo.
Ayon kay Topacio, mas pipiliin daw ni Ong na makulong kahit sa Women’s Correctional Facility, huwag lang pahiyain sa harap ng milyong mga tao.
Samantala, iniulat naman ng isa pang legal counsel ni Ong na si Atty. Raph Andrada, nagkaroon aniya ng mental breakdowns si Ong kasunod ng mga pagdinig sa Kamara.
Dagdag pa ng abogado nito na “accusatory in nature” ang kinaharap ni Ong na imbestigasyon.
Magugunitang, hindi nakadalo si Ong sa nagpapatuloy na pagdinig ng Senate Subcommittee on Justice and Human Rights patungkol sa pagtakas nila ni Guo sa Pilipinas.
Batay sa ipinadalang excuse letter ng House of Representatives na may petsang September 4, 2024 , nakasaad dito na kasalukuyang nasa ospital si Ong.
Sa liham, nakasaad na hindi mabuti ang pakiramdam ni Ong kaya hindi ito makadadalo sa imbestigasyon ng komite.
Bumaba umano ang blood pressure at sugar ni Ong kaya kinailangan din nilang kanselahin sa Kamara ang sariling pagsisiyasat dahil dito.