Hindi nakadalo si Cassandra Li Ong sa nagpapatuloy na pagdinig ng Senate Subcommittee on Justice and Human Rights hinggil sa pagtakas nila ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa Pilipinas.
Batay sa ipinadalang excuse letter ng Kamara na may petsang September 4, 2024 , nakasaad dito na kasalukuyang nasa ospital si Ong.
Sa liham, nakasaad na hindi mabuti ang pakiramdam ni Ong kaya hindi ito makadadalo sa imbestigasyon ng komite.
Bumaba umano ang blood pressure at sugar ni Ong kaya kinailangan din nilang kanselahin sa Kamara ang sariling pagsisiyasat dahil dito.
Agad umanong ipinasuri si Ong sa mga doktor ng Kamara at inirekomenda ang pagpapa-ospital sa kanya kung saan tatagal daw ng dalawa hanggang tatlong araw bago mag-stabilize ang kanyang sitwasyon.
Una rito, kabilang si Ong sa pinakakasuhan sa korte ng Department of Justice – National Prosecution Service sa ilang mga paglabas sa batas matapos magbalik bansa.
Ayon kay Department of Justice Undersecretary Nicholas Ty, mahaharap si Cassandra sa paglabag sa hindi pagsunod sa patawag ng Kongreso at obstruction of justice.