Sinampahan ng mga awtoridad ng reklamong qualified human trafficking sina Cassandra Li Ong, ang authorized representative ng POGO hub na Lucky South 99 at 53 iba pa kaugnay sa naturang sinalakay na illegal POGO sa Porac, Pampanga.
Inihain ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang naturang reklamo sa Department of Justice ngayong Martes, Setyembre 10.
Inakusahan ang mga respondent kabilang si Ong ng paglabag sa Republic Act No. 9208 o ang Anti-Trafficking in Persons Act.
Ayon kay Justice Undersecretary Nicky Ty, tinukoy si Ong na isa sa mga respondent dahil sa pagkakadawit nito sa Whirlwind Corporation, ang nagpaupa sa property kung nasaan ang Lucky South 99. Lumalabas din aniya sa nakalap na ebidensiya na pinatakbo ni Ong ang Lucky South 99.
Ilan pa sa mga pinangalanang respondent sa naturang reklamo ang sinasabing big boss ng ni-raid na POGO at executive ng Whirlwind Corporation ang Chinese national na si Duanren Wu, kasama sina Lucky South 99 corporate secretary Ronalyn Baterna, dating president ng kompaniya na si Stephanie Mascarenas at dating Technology and Livelihood Resource Center (TLRC) deputy director general Dennis Cunanan gayundin ang Singaporean national na si Zhang Jie na dating presidente ng Lucky South 99 Outsourcing at iba pang incorporators.
Ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission spokesperson Winston Casio, si Zhang Jie din ang tumulong kay dismissed Bamban Mayor Alice Guo na makapag-billet sa hotel sa Batam, Indonesia. Patunay umano ito na konektado ang mga organisasyong nago-operate sa mga sinalakay na POGO hub sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga.