Nanawagan si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative France Castro ng isang komprehensibong imbestigasyon kaugnay ng napaulat na mga anomalya sa Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte.
Ang hiniling na imbestigasyon ni Castro ay kasunod ng ibinunyag ng dati at kasalukuyang opisyal ng DepEd na nakatanggap sila ng envelope na mayroong lamang pera mula kay Duterte at ang kuwestyunableng paggamit ng confidential funds.
“The allegations of cash gifts and misuse of funds at DepEd are deeply troubling and demand a thorough investigation. It is crucial to uphold integrity and transparency in our education system, which is fundamental to the development of our youth,” sabi ni Castro.
Sinabi ni Gloria Mercado na buwan-buwan siyang nakatanggap ng envelope na may laman na tig-P50,000 noong naging Head of Procuring Entity (HoPE) ng DepEd.
Ayon naman kay dating DepEd Bids and Awards Committee (BAC) Chairperson Resty Osias nakatanggap din siya ng mga sobre na may laman na P12,000 hanggang P15,000.
“The education sector is already grappling with significant issues, including the perennial shortage of classrooms. Instead of addressing these challenges, the alleged corruption further undermines the quality of education that Filipino students deserve,” pahayag n Castro.
Nanawagan si Castro sa kanyang mga kapwa mambabatas na suportahan ang isinusulong nitong imbestigasyon.
Ayon sa Makabayang bloc lawmaker dapat magkaisa ang lahat para mapanagot ang pangalawang Pangulo.