-- Advertisements --

Nanawagan si ACT Teachers party-list Rep. France Castro sa Duterte administration na ibigay na ang matagal nang hinihintay na benefits ng mga gruo sa mga pampubliokng paaralan.

Ayon kay Castro, tatlong buwan nang delayed ang Performance Based Bonuses ng mga guro.

Bukod dito, isang buwan namang hindi pa naibibigay ang Service Recognition Incentives, pati rin ang Internet allowance reimbursements mula Marso hanggang Disyembre 2020.

Iginiit ni Castro na taon-taon na lang problema ang ganitong sistema kaya napipilitan ang mga guro na maglabas ng kanilang sariling pera para lamang magampanan ang kanilang trabaho, kahit sa gitna ng mas maraming demands bunsod ng blended learning modalities dahil sa COVID-19 pandemic.

Dapat mabilis aniya ang pamahalaan sa pagresolba sa problemang ito dahil kung tutuusin ay ang bilis-bilis nga na maglabas ng pera para ipambili ng mga helicopers at fighter jets sa mga militar.

Ipinapakita lamang ng delay sa pagbibigay ng benefits ng mga guro na hindi binibigyang halaga ng pamahalaan ang edukasyon.

Base aniya sa Administrative Order No. 37, series of 2020, pinahintulutan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibigay ng P10,00 na Service Recognition Incentives sa lahat ng mga government employees mula Disyembre 21, 2020 pero hindi pa rin ito nakukuha ng mga guro pati na rin ang P300 buwanan na communications expenses reimbursement sa Department of Education.

Sinisisi rito ni Castro ang mahirap na proseso pati na rin ang maraming mga requirements na hinihingi mula sa mga guro.

Ipinagtataka naman din ng kongresista na kung bakit hindi pa rin naibibigay ang 2019 Performance Based Bonus ng mga gurong gayong Oktubre 2020 pa ito available.