-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Umabot na ngayon sa 29 ang bilang ng mga nasawi sa buong Caraga Region matapos na umakyat na sa 25 ang natagpuang bangkay mula sa 18, sa lalawigan lamang ng Surigao del Norte.

Kasama sa naturang bilang ang apat na natabunang buhay ng rumaragsang putik sa Brgy. Kioya sa bayan ng Sibagat, Agusan del Sur kungsaan hindi pa rin nahanap hanggang sa ngayon ang pito sa labing-isang mga anak at apo ni Tatay Dodong Cabalquinto.

Matatandaan na natabunan sila ng buhay habang papunta na sana ng evacuation center sa kasagsagan din ng hagupit ni Odette.

Ayon kay Tatay Dodong Cabalquinto, wala nang mas sasakit pa sa isang ama na mawalan ng mga mahal sa buhay sa isang iglap lamang nang manalasa ang malakas na bagyo sa kanilang lugar lalo na’t magpa-Pasko pa.