-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Balik na sa Provincial Capitol si Catanduanes Governor Joseph Cua mula noong Abril 29.

Ito ay matapos ang ipinataw na 6-month suspension ng Office of the Ombudsman kay Cua dahil sa alegasyon ng abuse of authority, conduct prejudicial to the best interest of service, dishonesty, and grave misconduct laban sa opisyal.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Cua, sinabi nito na natanggap na ang sertipikasyon ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa pagbabalik-trabaho.

Mismong ang ahensya pa ang nagsagawa ng turnover ceremony.

Kaugnay nito, tutok agad ang gobernador sa kinakaharap na krisis ng nasasakupan dahil sa coronavirus disease.

Rekomendasyon ng opisyal na makapagtayo ng permanent coronavirus ward sa Eastern Bicol Medical Center (EBMC) na hiwalay sa main building.

Dahil nasa main building ang kasalukuyang COVID-19 ward, apektado rin ang operasyon ng provincial hospital.

Ayon kay Cua, magagamit rin ang nasabing pasilidad bilang paghahanda sa iba pang sakit na hindi inaasahan.