LEGAZPI CITY- Puspusan na ang paghahanda ng provincial government ng Catanduanes dahil sa pinangangambahang epekto ng bagyong Dante.
Ayon kay Catanduanes provincial information officer Nico Templonuevo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kanya-kanyang pag-aayos na ng kanilang mga bahay ang mga residente.
Aminado naman ang opisyal na kulang ang resources ng lalawigan dahil hindi pa tuluyang nakakabangon mula sa pagkakadapa dulot ng sunod-sunod na pagtama ng malalakas na bagyo noong nakalipas na taon.
Patuloy naman aniya ang panalangin ng mga residente na lumihis ang sama ng panahon dahil marami sa mga ito ay hindi pa nakakabalik sa normal ang buhay.
Sa kabila nito ay siniguro ni Templonuevo na ginagawa ng mga lokal na opisyal ang lahat upang maihanda ang mga relief goods at evacuation centers para sa posibleng paglikas ng mga residente na nasa coastal areas.
Samantala sa pinakahuling tala, nasa 75 na ang mga stranded na pasahero at 12 sasakyan sa Tabaco port na patungong Catanduanes.