LEGAZPI CITY – Target ng lalawigan ng Catanduanes na makakuha ng Guinness World Record bilang isa sa mga top producer ng fiber sa buong mundo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Philippine Fiber Industry Development Authority (PhilFIDA) provincial officer Bert Lusuegro, target ng lalawigan na makagawa ng humigit kumulang 500 kms na haba ng lubid na gawa sa Abaca.
Ililibot ito sa circumferential road ng buong Catanduanes mula sa provinicial capitol kung saan tinatayang aabutin ng mahigit kalahating taon bago mabuo ang naturang proyekto.
Ayon kay Lusuegro, determinado ang provincial government na maisakatuparan ito sa susunod na Abaca festival upang lalong makilala ang Catanduanes hindi lamang bilang top producer ng fiber sa mundo.
Tiniyak naman nito na hindi kukulangin ang gagamiting Abaca para sa 500 kms na haba ng lubid dahil umaabot sa 21,000 metric tons na fiber ang napo-produce ng lalawigan kada taon.
Samantala, nakilala rin ang Catanduanes sa paggawa ng mga handicrafts gamit ang Abaca tulad ng gown, Barong Tagalog, bag at marami pang iba.