Sisimulan na bukas, Enero 12 ang catch-up fridays ng Department of Education (DepEd) na isasagawa sa buong kasalukuyang school year sa layuning mahasa pa ang kakayahan sa pagbabasa ng mga mag-aaral.
Ipapatupad ito kada araw ng Biyernes sa lahat ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa elementarya at sekondarya at community learning centers sa buong bansa.
Layunin din nito na malinang ang academic performance ng mga mag-aaral sa K-12 Basic eduction program kasunod ng mababang proficiency level sa pagbabasa ng mga Pilipinong mag-aaral base sa national at international large-scale assessments.
Sa unang kalahati ng araw ng Biyernes, sinabi ng Deped na tututukan ang pagpapatakbo ng National Reading Program habang ang second half naman ay sesentro sa pagpapaunlad ng values, health at peace education.
Magkakaroon din ng Homeroom Guidance Program kada BIyernes.
Ilalaan din ang araw ng Biyernes sa Drop Everything and Read” (DEAR) activity at orientation para sa field officials, base sa memorandum na nilagdaan ni DepEd Undersecretary Gina Gonong noong January 10.
Ang naturang aktibidad ay kabilang sa reading strategies ng ahensiya para mabigyan ng pagkakataon ang mga magaaral na solo at tahimik na makapagbasa ng napili nilang aklat sa maikling panahon.
Ang hakbang na ito ng DepEd ay kasunod na rin ng direktiba ni PBBM sa ahensiya na pagibayuhin pa ang performance ng bansa base sa Programme for International Student Assessment (PISA).