KALIBO, Aklan – Normal na uli ang operasyon ng Caticlan jetty port matapos ang pananalasa ng Bagyong Tisoy.
Kaugnay nito, nakabiyahe na ang nasa 131 turista na na-stranded sa nasabing pantalan mula sa Boracay, gayundin ang mahigit sa 89 na pasahero ng Roll-on Roll-off (RoRo) vessel matapos na kinansela ang biyahe simula noong Lunes ng gabi dulot ng bagyo kung saan ang Aklan ay isinailalim sa storm signal No. 2.
Nauna nang kinansela ng Philippine Coast Guard-Aklan ang lahat ng biyahe ng mga RoRo vessels at motorbanca papuntang Batangas, Romblon, Mindoro at Boracay.
Ibinalik naman kaninang madaling araw ang biyahe nang bumuti na ang kondisyon ng dagat at panahon.
Samantala, normal na rin ang mga flights papasok at palabas ng Caticlan Airport at Kalibo International Airport na kinansela rin kahapon dahil sa naranasang zero visibility dulot ng malakas na ulan at hangin.