Hangad ni 2018 Miss Universe Catriona Magnayon Gray na marami pang kababayan nitong Pinoy ang magawan ng wax figure sa Madame Tussauds Singapore.
Pahayag ito ni Cat matapos mapasinayaan na kanina sa nasabing bansa ang kanyang life-size na wax figure na replica ng kanyang “lava gown” noong 2018 coronation.
Ayon sa 28-year-old half Australian beauty na tubong Bicol, kahit hindi pa ito ang kanyang “winning look” o walang suot na Miss Universe crown ay nakaka-proud na rin dahil maihahanay siya sa iba pang personalidad na una nang nai-display sa hall ng sikat na museum.
Dagdag nito na matagal na niya gusto magkaroon ng kapatid pero sa ngayon ang kanyang wax figure ang “best thing” na maituturing bilang kanyang twin o kambal.
“I’ve always wanted a sibling, but I guess I’ll take the next best thing,” saad ni Gray. “To represent the Pinoy elevated to the global stage, it’s really something that brings me so much pride. Hopefully in the future, there will be more Filipinos represented within the halls of Madame Tussauds.”
Si Cat ang unang Pinay na nagkaroon ng wax figure sa naturang sikat tourist spot sa Singapore, at pangatlong Pinoy sa kabuuan sunod kina Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach at fighting Senator Manny Pacquiao na pareho sa Madame Tussauds Hong Kong.
Bukas kasabay ng huling araw ng Marso, maaari nang bumisita sa Madame Tussauds Singapore na nasa bahagi ng Sentosa Island.