Hindi mapigilan ni 2018 Miss Universe Catriona Magnayon Gray na maging emosyonal dahil matapos ang mahigit isang taon mula nang sumiklab ang coronavirus pandemic, ay makakapiling na nito ang kanyang mga magulang sa Australia.
Ayon sa 27-year-old Australian beauty na tubong Bicol, nasira ng pandemya ang pangako nito sa sarili na bibisitahin lalo ang tumatanda na niyang ama sa loob ng apat na beses sa isang taon.
Ito’y dahil sa hindi na mabilang na kanyang rescheduled at cancelled flights, gayundin ang ilang beses na pagsailalim sa swab tests, pero sa kasalukuyan ay biyaheng Australia na.
Alam naman daw ng pang-apat na Pinay Miss Universe na hindi lang siya ang dumanas ng pangungulila sa mga magulang sa gitna ng pandemic kaya panalangin niya na magkasama na rin ang mga ito balang araw.
“I don’t want to one day, be full of regret for not having given time to one of the most important people in my life. I’m sooo emotional writing this, my gahd š
I’m sending my whole heart to families who are in the same position as mine. Praying that you’ll be together soon,” bahagi ng post ni Gray.
Hindi naman tinukoy ni Cat kung kasama nito ang kasintahang aktor na si Sam Milby.