Looking forward na agad si 2018 Miss Universe Catriona Magnayon Gray na muling makasama ang kanyang mga magulang na nakabase sa Australia.
Pahayag ito ng pang-apat na Pinay Miss Universe kasabay ng pagtatapos ng mahigit isang buwan na bakasyon sa Australia at pauwi na ng Pilipinas.
Pag-amin ng 27-year-old half Australian beauty na tubong Bicol, pinilit nitong ngumiti habang nagpapaalam sa kanyang “mama and papa bear” sa airport at tanging nasambit ang mga katagang “see you soon.”
Ayaw na raw sana niyang i-post ang pagiging emosyonal niya ngunit nais din ipaalala lalo sa mga kabataan na huwag sayangin ang mga oras na kapiling ang mga mahal sa buhay dahil walang kasiguraduhan ang buhay sa gitna ng coronavirus pandemic.
“I felt the emotions spilling over but didn’t want them to see, so as I rounded the corner through the passenger terminal finally out of their sight, I let the tears come,” bahagi ng post ni Gray.
Dagdag nito, “Please never take time with your family or loved ones for granted, so many of us wish to have that reality everyday.”
Nabatid na isang taon at apat na buwan bago nito nayakap at nahalikan muli ang mga magulang bunsod ng nagkaaberyang mga flight dahil sa pandemya.
Tanging sa pambihirang online post na lamang din nito ipinadama kay “Sam” Milby ang pagkalungkot na hindi sila nagkasama sa 37th birthday noong nakaraang buwan, ngunit nauunawaan naman daw ito ng aktor.
Ang kanyang ina na si Normita Magnayon ay isang Filipina na mula Oas, Albay. Ang kanyang ama naman na si Ian Gray ay may dugong Scottish at matagal nang naninirahan sa Australia.
Bagama’t ipinanganak at lumaki sa Australia, pero nagtungo si Cat ng Pilipinas at dito nagtrabaho bilang commercial model mula noong siya ay 18 years old.