Nakahakot na ng anim na milyong followers sa kanyang Instagram account si 2018 Miss Universe Catriona Magnayon Gray.
Ito ang ibinida mismo ng 25-year-old Fil-Australian beauty na tila napa-countdown na rin sa nalalabing anim na buwan niya bilang Miss Universe.
Ayon sa Bicolana beauty queen, nagpapasalamat siya sa milyong tagasuporta sa online na isa sa mga tulay upang maiparating niya ang mga makabuluhang mensahe sa kanyang reign.
“Ah!! We’re 6M strong just in time for my 6months as @missuniverse 🤯💛 thank you all for endlessly inspiring me, allowing me to share the causes I’m passionate about and for supporting me on this amazing journey that I’m on! Mahal ko kayong lahat!!” ani Gray.
Disyembre noong nakaraang taon nang maibigay ni Gray ang pang-apat na Miss Universe title sa Pilipinas matapos manguna sa coronation na ginanap sa Thailand.
Gaganapin naman ang 68th Miss Universe sa South Korea ngayong taon pero wala pang inaanunsyong petsa.
Magiging kinatawan ng bansa ang 23-year-old Fil-Palestinian model na si Gazini Ganados na siyang kinoronahan bilang 2019 Binibining Pilipinas-Universe.
Si Ganados ay ipinanganak sa Dapitan City, Zamboanga del Norte, pero lumaki sa Cebu.
Pinay ang kanyang ina habang Palestinian naman ang ama na pangarap niyang makilala balang araw.