Nilinaw ni 2018 Miss Universe Catriona Magnayon Gray na tulad ng nakagawiang health protocol sa gitna ng coronavirus pandemic, ay titiisin pa nito ang dalawang linggong self quarantine kahit nakarating na sa Australia.
Pahayag ito ni Cat matapos ang ilang pagpuna ng mga netizen na sarado pa ang borders ng Australia pero paano nakapasok doon ang pang-apat na Pinay Miss Universe.
Kalmado namang nagpaliwanag ang 27-year-old Australian beauty na tubong Bicol, na pasok siya sa exemption ng travel ban dahil siya ay returning resident kaya nakarating ng Australia kahit pandemic pa.
“closed for tourists but not for citizens or returning residents,” ani Gray.
Hindi rin aniya naging madali ang sakripisyo nito na iwan muna ang career sa Pilipinas, pero piniling bigyan muna ng oras ang mga magulang na mahigit isang taon niyang hindi nakapiling.
Una nang inihayag ni Cat na dumaan siya sa hindi na mabilang na kanyang rescheduled at cancelled flights, gayundin ang ilang beses na pagsailalim sa swab tests bago nakabiyahe nitong Martes.
Alam naman daw niya na hindi lang siya ang dumanas ng pangungulila sa mga magulang sa gitna ng pandemic kaya panalangin niya na magkasama na rin ang mga ito balang araw.
Nabatid na ang kanyang ina na si Normita Magnayon ay isang Filipina na mula Oas, Albay. Ang kanyang ama naman na si Ian Gray ay may dugong Scottish at matagal nang naninirahan sa Australia.
Bagama’t ipinanganak at lumaki sa Australia, pero nagtungo si Cat ng Pilipinas at dito nagtrabaho bilang commercial model mula noong siya ay 18 years old.