Bakas ang pasasalamat ni 2018 Miss Universe Catriona Magnayon Gray na nauunawaan ni Samuel “Sam” Milby kung bakit hindi sila magkasama sa kaarawan ng celebrity boyfriend.
Ngayong araw, May 23, ang 37th birthday ni Milby.
Gayunman, kasalukuyang nasa Australia ang pang-apat na Pinay Miss Universe upang makasama ang mga magulang na mahigit isang taon niyang hindi na bisita bunsod ng coronavirus pandemic.
Sinasabing isang buwan magbabakasyon ang half Australian beauty na tubong Bicol bago babalik sa Pilipinas.
Sa pambihirang pagkakataon din ay nag-post si Cat ng larawan nila ni Sam kung saan sila ay magkayakap.
Kung maaalala, nitong January naman nang magdiwang ng kanyang 27th birthday ang beauty queen turned TV host kung saan wala siyang cake pero kilig sa homemade b-day pizza ni Sam.
Paglalarawan nito, simple pero romantic date ito sa isang nirentahang “rustic cabin.”
Taong 2018 nang ma-link ang dalawa sa isa’t isa at noong nakaraang taon lang aminin sa publiko na sila ay magkasintahan.
Bago sa actor/singer, galing si Cat sa long term relationship sa Fil-German model na si Clint Bondad.
Habang naging girlfriend naman ni Sam ang aktres na si Anne Curtis, Japanese-American singer Marie Digby, at model/TV host/blogger na si Mari Jasmine.