-- Advertisements --

Itinanggi ng Cavite City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) na may kumpirmadong kaso ng pertussis o whooping cough sa Cavite City.

Sa isang announcement online, hinimok ni CESU Head ZJeffrey dela Rosa ang publiko na mag-ingat sa maling impormasyon, lalo na mula sa unverified sources online.

Inilabas ang anunsyo matapos naiulat online na nagkaroon ng temporary lockdown dahil sa pertussis sa Tagaytay, Tanza, General Trias, Carmona at Cavite City noong Marso 30 hanggang 31.

Ang fake post, na may selyo pa umano ng Department of Health at ng pamahalaang panlalawigan ng Cavite, ay nagsabing mayroong ilang kaso sa mga nabanggit na lungsod.

Dagdag pa ng CESU, ang mga lalabag sa Republic Act 11332 o ang Law on Reporting of Communicable Diseases, ay mahaharap sa multang P20,000 hanggang 50,000 o pagkakakulong ng hanggang anim na buwan.

Nauna nang nagdeklara ng state of calamity ang Lalawigan ng Cavite noong Marso 28 dahil sa tumataas na kaso ng pertussis o whooping cough.

Dalawampu’t walong karagdagang kaso ng pertussis o whooping cough ang naitala sa bansa mula Marso 10 hanggang 16, kaya umabot na sa 568 ang kabuuang bilang ngayong taon, ayon sa Department of Health (DOH) noong Marso 27.