Inihahanda na ng pamahalaang panlalawigan ng Cavite ang kasong kriminal na ihahain laban sa may-ari ng MT Terranova na lumubog sa Bataan at nagdulot ng malawakang oil spill na umabot na sa coastal communities ng lalawigan.
Ito ang inanunsiyo ni Cavite Governor Jonvic Remulla sa isinagawang assembly ng mga apektadong mangingisda sa kasagsagan ng relief distribution sa bayan ng Noveleta.
Ayon sa Gobernador, maghahain sila ng mga kaso laban sa may-ari para makapag-claim ng bayad pinsala sa nangyari sa kanilang coastal areas sa Cavite na naperwisyo ng tumagas na langis.
Bumabalangkas na aniya sila ng plano upang makatanggap ng kaukulang kompensasyon ang lahat ng mga apektadong residente mula sa shipowner.
Una ng iniulat ng Philippine Coast Guard na ang langis na tumagas mula sa tanker ay kumalat na sa katubigan ng mga probinsiyang nakapaligid sa Manila Bay kabilang ang Cavite, bagay na puspusang tinatrabaho na ng ahensiya para mapigilan ang pagkalat ng oil spill.
Nagdeklara na rin noong Miyerkules ang Cavite government ng state of calamity sa mga siyudad ng Cavite at Bacoor at sa munisipalidad ng Noveleta, Rosario, Kawit, Tanza, Naic, Maragondon at Ternate na apektado ng oil spill mula sa MT Terranova.