Nakahanda na rin ang lalawigan ng Cavite sa pagtanggap ng mga lilikas kung sakali mula sa mga apektadong lugar sa Batangas dahil sa pag-aalburuto ng bulkang taal.
Ayon sa Cavite PDRRMO, kagabi pa raw naka-preposition ang kanilang mga rescue teams at mga pick up points sa mga residente na manggagaling sa bayan ng Laurel at bayan ng Agoncillo sa Batangas.
Sa bahagi naman ng bayan ng Alfonso sa Cavite at Tagaytay City ay meron namang nakaposisyon na swabbing team kasama ang provincial health office upang tumulong sa pag-iingat din laban sa COVID-19 ng mga evacuees.
Una nang nag-abiso si Cavite Governor Jonvic Remulla sa pagsususpinde muna sa mga may pasok sa paaralan, elementary man o kolehiyo kasama na ang mga online classes dahil sa alerto laban sa aktibidad ng bulkang Taal.
Sinabi ng governor maari rin kasing maapektuhan ang wifi signal kung sakaling magkaroon ng malakas na buhos ng ash fall.
Inabisuhan din niya ang mamamayan ng Cavite na manatili sa loob ng bahay, isara ang mga bintana lalo na ang pagkakaroon ng face masks.