-- Advertisements --

Patuloy umano ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaang panlalawigan ng Cavite sa British biopharmaceutical company na AstraZeneca para sa pagbili ng mga COVID-19 vaccines.

Ayon kay Cavite Governor Jonvic Remulla, naglaan ang lalawigan ng P750-milyon para sa bakuna ng mahigit 1.5-milyong residente ng probinsya para sa lalong madaling panahon.

Ang mga bakuna aniya ay libreng ituturok sa mga Caviteño na nasa edad 18 hanggang 59.

Maliban sa AstraZeneca, nakikipag-usap na rin daw ang local government unit sa iba pang mga kompanya tulad ng Moderna at Pfizer para sa mga senior citizen sa lalawigan.

Sa kasalukuyan, inilahad ni Remulla na nakakapagtala ang probinsya ng daily average na 20 COVID-19 cases, mas mababa kumpara sa 800 daily average na na-record sa itinuturing na peak months noong nakalipas na taon.