Simula ngayong araw nga ay sarado nang muli ang lahat ng mall sa lalawigan ng Cavite batay sa executive order na inilabas ni Cavite Gov. Jonvic Remulla.
Naglabas nang sama ng loob ang gobernador sa kanyang social media page matapos may 40 na naitalang bagong kaso sa lalawigan mula nang umarangkada ang general community quarantine noong Sabado.
“Akala ninyo ang GCQ ay FREEDOM PASS. Akala ninyo na ang pag bawas ng checkpoint ay pwede na ipagbaliwala ang mga pass para maka labas ng bahay. Akala ninyo na ang work ID ay lakwatsya pass. Ito ngayon ang aking patakaran.”
Mula sa 239 confirmed cases sa Cavite noong May 13, nasa 275 na raw ang bagong total ng mga tinamaan ng sakit as of May 17, Linggo.
Nakipag-ugnayan daw ang tanggapan ni Remulla sa lahat ng munisipalidad at lungsod sa Cavite bago pirmahan ang kautusan kagabi.
Nabatid din kasi ng gobernador hindi nasunod ang social distancing sa mga establisyento tulad ng mga grocery.
“Kahit supermarket at Drug store sa luob Ng mall ay sarado hanggang maka gawa nang hakbang ukol sa social distancing. Pasensya na sa taga Bacoor, alam ko na ang malaking grocery ay nasa mall. Sandali lamang Ito hanggang maka bigay Ng plano ang may kanya ukol sa social distancing.”
May mga nanamantala rin daw sa paggamit ng employee ID kahit walang pasok, at quarantine pass para makalabas.
Pinayuhan ni Remulla ang mga residente, lalo na ang mga manggagawa na kumuha ng certificate of duty mula sa kanilang mga opisina.
Bibigyan lang daw ng provincial government ng isang oras na palugit ang mga manggagawa sa loob ng Cavite para makapasok sa kanilang mga trabaho. Isa’t-kalahating oras naman daw ang para sa pag-uwi.
“Isa po na paki-usap sa may company ID. HUWAG NINYO ABUSHIN ANG SISTEMA. Sa araw ng inyong trabaho ay kumuha ng certificate of duty mula sa HR. May palugid kami ng 1 hour before and 1.5 hours later para kayo ay maka pasok at maka uwi. Pag wala sa araw ay oras ng duty ito ay bawal gamitin para gumala. Please stay at home. Pag Ito ay abusuhin pa lalo, ay baka ikansala ko ang pribeleyo ng mga nagka sala sa work ID.”