-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Handang-handa na ang iba’t ibang playing venues para sa Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) 2023 na pormal na magbubukas ngayong araw.

Isasagawa ang grand opening sa City of Ilagan Sports Complex.

Magkakaroon ng parada ang lahat ng delegado at inaasahan din na magtatanghal ang singer na si Angeline Quinto at magkakaroon ng grand fireworks display.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay General Services Officer Ricky Laggui ng City of Ilagan, sinabi niya na kabilang sa inihandang venue ang Ilagan City Sports Complex kung saan idaraos ang Athletics, Track and field, Jumping, throws, volleyball, baseball at Basketball men and women.

Gaganapin naman sa City of Ilagan civic Center ang soft ball men elementary at secondary maging ang archery.

Naipakalat na rin sa iba’t ibang covered court ang iba pang sporting events na idaraos sa CAVRAA 2023.

Maliban sa mga atleta ay nasa Lunsod din ng Ilagan ang ilan pang kamag-anak ng mga atleta na binigyan ng accomodation ng iba’t ibang hotels sa Lunsod.

Tiniyak ni Laggui na pinaghandaan nang husto ng LGU Ilagan ang opening ceremony ngayong araw ng CAVRAA 2023.

Samantala, umabot sa 6,778 ang kabuuang bilang ng mga delegado at technical officials mula sa Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Cagayan, Batanes, City of Ilagan, lunsod ng Santiago, Lunsod ng Tuguegarao, at lunsod ng Cauayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Paul Bacungan ng City of Ilagan, sinabi niya na noong Martes pa lang ay nagsimula nang dumating ang mga delegado mula sa Quirino at Nueva Vizcaya at noong Biyernes ay nakumpleto na ang lahat ng delegado.

Tiniyak niya na handa ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sakali mang magkaroon ng emergency situations at medical needs ang mga atleta.

Kasama na ring nakatalaga ang mga kasapi ng Philippine National Police at Bureau of Fire Protection ng lunsod upang matiyak ang kaligtasan ng mga tao sa pagsasagawa ng CAVRAA 2023.

Samantala, kahapon ng umaga ay sinimulan na ang preliminary round para sa ilang events tulad ng Basketball, Archery At Baseball at Final Rounds para sa Javelin Throw Elementary Boys and Girls Category at High Jump Elementary Boys Category.

Sa Javelin Throw Elementary Boys Category ay nasungkit ni John Carlo Gumaru ng Quirino ang gintong medalya, Nathaniel Behhay ng Nueva Vizcaya ang silver medal at si Nathaniel Joaquin Jr. ng Santiago City ang bronze medal.

Sa Javelin Throw Elementary Girls ay naiuwi ni Baby Jane Santos ng Isabela ang gintong medalya, si Airen Uhmog ng Nueva Vizcaya ang silver medal, at si Nixie Jen Butic ang bronze medal.

Samantala, dinomina ni Cael Tagubasi ng Isabela ang high jump elementary boys category at nag-uwi ng gintong medalya habang si Kielle Mac Dwayne Collado ng Nueva Vizcaya ang nag-uwi ng silver medal at si Rye Ranuel Tamayao ang nakakuha ng bronze.